Kabataan kilala mo ba si Ka Pule?


Tanda mo pa ba ang kahalagahan ng Hulyo 22,1864 para sa ating mga Pilipino? O naanod na ng bagyo ang dunong mo tungkol dito? Baka naman sa lakas ng hampas ng hangin sa bawat simangot ng langit ay hinayaan mo na lamang madala ang kanyang alaala at sa bawat paglatag ni Haring Araw sa kanyang balabal ay unti-unting natunaw ang pagkakakilanlan mo sa kanya.
Kabataan kilala mo pa ba sya? Ang batang lalaki na sinilang sa Talaga, Lungsod ng Tanauan. Ang nagsumikap makapag-aral sa kabila ng kahirapan. Ang nasa likod ng dekalogo. Ang dakilang lumpo. Ang nagtatag ng piping kilusan ng mga api. Ang utak ng rebolusyon. Ang namulat sa kahirapan at nahimlay sa parehong katayuan ng buhay. Ang dahilan kung bakit walang pasok kapag Hulyo 22. Ngayon naaalala mo na ba siya?
Kung malabo pa rin para sa iyo ang pinupunto ko, aba mangamba ka na marahil nakakasabay ka nga sa makabagong teknolohiya at estado ng pamumuhay sa panahon ngayon subalit napag-iiwanan ka na ng pagtuklas sa aral ng kahapon.
Naisip kong ilathala ang sulatin na ito hindi para sermonan ka at ipamukhang wala kang alam sa kasaysayan ng sarili nating bayan kundi para tapikin ka bilang kaibigan at nang magising ka sa kung anu ang dapat mong gawin bilang kabataan. Tulad mo, noon
ay isa rin akong bingi sa kung anung dapat marinig ng aking tainga sa apat na sulok ng paaralan, bulag sa katotohanan na kung hindi dahil sa kanya, kanila wala tayong demokrasyang tinatawag sa ngayon, at manhid sa pagbibigay ng pagmamahal sa sariling bayan. Subalit nang mapagbulay-bulay ko ang aking mga pagkukulang at mapagtantong ang pagyakap sa yaman ng ating kasaysayan ang tanging maaari kong iambag upang mapabuti ang ating bayan nag-umpisa akong kumilos. Armado ng sandatang ginamit ng mga dakilang manunulat noon bagaman tinitipa na lamang sa parihabang puno ng mga letra at simbolo ngayon aking ginigising ang tulad kong tulog. Sapagkat kung alam natin ang ating pinagmulan, kung ating pinahahalagahan ang hirap ng mga taong buwis buhay na nakipaglaban makamit lamang ang kalayaan, siguro alam nating ingatan ang kalayaan na mayroon tayo ngayon at gamitin ito sa ikauunlad ng ating bansa hindi sa ikalulubog natin sa kumunoy ng kahirapan.